Ang tagal ko nang nagbblog pero ni-minsan hindi pa ko nakapagshare tungkol sa araw-araw ko. Lagi nalang ba akong galit pag nagbblog ako? Hindi. Puno lang talaga ako ng emosyon katulad ngayon. Araw araw pinipilit kong maging isang tao na mamahalin ng lahat, hindi ko alam kung bakit pero yun ang gusto ko. Gusto ko maging special sana pero araw-araw nabibigo ako.
Tinatanong nila akong lahat kung bakit malapit ang loob ko sa mga hayop. Ngayon sasagutin ko: Kasi pakiramdam ko, sila lang yung marunong makinig. Kung minsan nga nakikita nila akong umiiyak lalambingin lang nila ako. Yun yung rason kung bakit gustong gusto ko sila. Mahal na mahal ko sila, para ko silang mga munting kaibigan. Naiinis kasi ako lalo na kapag nararamdaman ko na may "favorite" na hindi naman dapat. Noong bata nga ako kahit wala ako sa bahay hindi ako hinahanap eh. Lagi nilang sinasabi (at talagang pinapamukha pa sa amin) na mas mabait si ganito, mas matalino, mas maaasahan. Kung minsan gusto ko nalang isigaw na AKO NA WALANG KWENTA eh. Alam mo yung pakiramdam na gusto mo nalang tumakbo at wag nalang bumalik? Araw-araw nalang may ginagawa sila na nasasaktan ako. Kapag nandito ako pakiramdam ko lagi may kulang sa pagkatao ko. Habang ginagawa ko tong blog na to hindi ko maiwasan ang hindi malungkot. Lagi nalang kasi akong naeechepwera. Kanina pag pasok ko ng kwarto wala yung kumot at unan ko, mababaw pero naramdaman kong wala akong lugar doon. Buti nalang pinayagan muna ako dito sa kwartong iniwan ng tita ko. Lagi kong sinasabi sa sarili ko, pati narin sa mga magulang ko na BALANG ARAW AALIS AKO. Pag nag-iisa ako lagi kong kinakausap yung mga yumao ko nang mga lolo, lagi ko nang sinasabi na "ngayon nakikita niyo kung ano yung pakiramdam ko" paulit-ulit, walang humpay. Umaasa akong naririnig nila ako. Alam ko naririnig nila ako, at alam nila na nasasaktan ako. Balang araw lilipad ako. Hindi ko alam kung tama ba yung kasabihan na tungkol sa hindi paglingon sa pinanggalingan, pero kung minsan ayoko na talagang balikan. Lalo na siguro pag nakaalis na ko. Masiyado nang malalim ang sugat para sugatan ko pa ulit. Sana lang wala ng hahadlang sakin, kahit pag-ibig. Hindi na, lilipad ako. PANGAKO.
No comments:
Post a Comment