Di ko alam pero bigla akong napadaan sa blogger account niya. Iba na kasi ngayon compare mo dati. Dati kapag nagbubukas ako ng blogger titingnan ko na yung account niya, kahit may nababasa akong hindi maganda gagawin ko padin. Ang dami na pala talagang nagbago. Tatlong taon nadin pala, naisip ko lang subukan na buksan ulit yung account niya. Wala na palang bago, wala na kong makuha. Nakikita ko naman na masaya na siya ngayon, wala na yung bakas nung mga nangyari dati. Nagkasakitan kami sa mga salita, sa mga bagay at mga kwentong umikot sa mga nakakakilala saming dalawa. Wala na lahat.
Noong mga panahong yun siguro, pareho lang kaming nadadala ng emosyon. Isang babaeng nagmamahal at yung isa naman eh nagmamahal parin. Ang problema kasi doon, walang gustong magpatalo. tatlong taon narin pala yung nakalipas, marami nang kwento ang umikot. Halos wala na kong maalala sa mga nangyari. Ngayon nalang ulit. Hindi ko alam kung bakit, pero bigla nalang bumalik sakin lahat.
Hindi ko nga alam kung minahal ako ni gago ng katulad ng pagmamahal niya dun sa isa. Siguro dati gusto ko pang malaman pero ngayon hindi narin. Sa tatlong taon na wala din naman nangyari in between. Ang dami lang sigurong mga taong nakakaalam kaya paminsan-minsan tutuksuhin ka nila. Parang sila pa nga yung hindi naka move on sa nangyari. Mga tanong na ayaw ko nang sagutin kase yung pakiramdam na ayaw mo nalang na pag-usapan kasi matagal nang nangyari at ayaw mo na ng gulo. May mga tanong na kumukurot padin sakin hanggang ngayon, yung tanong na... "Naging kayo ba?"
Hindi ko alam kung ano yung isasagot ko. Hindi ko alam kung ano ba kami noon. Hindi ko alam kung saan nanggaling yung sakit dahil alam ko na hindi naman naging kami. Hindi ko alam kung bakit pinagaawayan namin noon yung naging pag-aari niya na hindi naman naging sakin. Nasaan yung karapatan ko? Alam ko wala, pero nasaktan ako. Kumapit ako eh, kumapit ako sa wala kaya nasaktan ako. Makalipas ang tatlong taon wala na yung sakit, wala na silang dalawa. Burado na ang mga alaala. Wala na sila.
Wala na yung kaba ko na baka bukas may bagong entry na naman tungkol sakin. Kung paano ko daw kopyahin yung mga ginagawa niya, mga akusasyong hindi ko alam kung totoo ba o hindi. Aaminin ko naman na dumating din ako sa punto na muntikan ko ng hindi makilala yung sarili ko. Ang dami na kasing nagbago. Ang dami na pala talaga, pati nga sila nagbago na.
Sa ngayon alam ko wala ng gulo sa pagitan naming dalawa. Siguro oaminsan-minsan nagtatagpo padin yung ugali namin, pero hindi na katulad ng dati na alam mong may pinagmumulan. Masasabi ko namang ayos na, hindi na siguro magkakaaway. Sana wag nalang maulit pa. Tatlong taon na ang nakalipas, congrats sating lahat!
No comments:
Post a Comment